Namulat at nag-umpisa ang aking pakikialam sa politika nung ako’y naging isang hairdresser sa isang sikat na salon chain. Sa araw-araw na pakikisalamuha ko sa aming mga kliyente, natuto ako nang maraming bagay. Iba-iba ang aking nakakasalamuha. Mayrong gusto pag-usapan ang buhay nang may buhay, showbiz, at politika. Natuto akung umalam sa mga issues at magbasa nang kahit anung babasahin para lang may ma-eshare din ako sa aking mga loyal na kliyente. Ayaw ko magmukhang tanga pag may topic silang gusto pag-usapan, habang binobola ko sila para magdagdag nang serbisyo kanilang ipagawa. At kadalasan, ako’y nagtatagumpay. hehe
Hindi ko akalain na ako’y magiging mapagmatyag, pakialamero at usyusero sa mga nangyayari sa lipunan. Madalas hindi ako nagpapahuli sa mga umpukan at debatehan tungkol sa kahit ano pa mang isyung napapanahon. Marami akong na-inganyong mga katrabaho at kaibigan na maniwala at sumang-ayun sa aking mga pananaw at pakikialam. Bilang hairstylist, natuto akung maging magaling na taga analisa sa mga problema nang bayan.
Nawalan ako nang interes sa eleksyon nung nanalo ang isang artista at maraming asawa sa pagkapangulo. Bakit ganito ang resulta? Bakit parang nawala na ang 'moral' na issue sa pagpili natin nang mamumuno nang bansa?.. Marami akung tanung sa aking sarili na magpahanggang ngayon ay nanatiling tanung. Dahil hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin ang nananalo sa eleksyon na sangkot sa mga katiwalian. Maaring ito’y mga gawa-gawa lamang nang mga kalaban nila sa politika, pero para sa akin, ang isang naghahangad nang pwesto ay dapat walang bahid nang katiwalian.
Pero bakit maraming nakapwesto sa ngayon na kilalang mga may “kabit”, kilalang sangkot sa “jueteng”, kilalang “magnanakaw”, kilalang "drug lord”, kilalang “smuggler” at kung anu-ano pa?.. Meron tayong naririnig na ipinapatay ang kalaban, binabayarang mga botante, tinatakot, at ang malala, kakuntsaba nang mismong dapat taga bantay nang balota ay kanilang protektor.
Paano nga naman mananalo ang taong bayan? Kung pera at bala na ang kalaban? Sa ibang bansa, ang isang halal na politiko ay kusang bumibitiw sa katungkulan kung ito ay masangkot sa ano mang katiwalian. May mga iba pa nga na nagpapatiwakal dahil sa kahihiyan. Dito sa ating, pakapalan ang labanan. Na-convict na, ayaw pa rin umamin sa kasalanan.
Sa salon na aking pinasukan nang halos sampung taon, marami akung narinig na kwentuhan at bulong-bulungan tungkol sa ating mga politiko. may mga nasaksihan pa mismo ako na ang isang politiko na may asawa at siya mismo ang nagbayad at sumundo sa kanyang kabit mula sa aming salon. At marami pang iba. Kaming mga hairdressers ay siguro mas maraming alam sa nangyayari sa mundo na ating ginagalawan. May iba pa nga taga media na sa salon kumukuha nang kanyang ibabalita bilang isang “blind-item” para sa kanyang programa. Kung gusto niyo nang balita, tumambay lang sa mga salon at siguradong marami kayong masasaksihan. Baka talo pa namin ang 'Intellegence' gathering nang gobyerno kung mga 'kabit' lang ang pag-usapan. hahaha
Pero kailan kaya mababago ang paraan nang halalan? Paano kaya tayo makapili nang tamang mamumuno? Kailan kaya tayo makakakita nang totoong “public servant”.. Yung gagawa para sa tao at hindi para sa kanyang ikakayaman?.. Paano tayo aasenso kung wala naman tayo halos pagpipilian? Puro sila na lang, ilang dekada na ang karamihan sa kanilang panunungkulan, subalit yun at yun pa rin ang nilalatag na programa, problema at sulusyon sa tuwing halalan? Dahil sa kung tinupad lang nila ang pangako sa bayan, sa tagal nila sa pwesto, sana’y maayos at asensado na ang kanilang mga kinabibilangan.
Hay, naku, nakakapagod din kung minsan at lumaban sa kamalian. kaya siguro tayo ay sawang-sawa na sa paulit-ulit lang na pangakuan at bulahan sa tuwing araw ng kampanya. Kaya sana tayo ay maging responsable sa pagpili nang tamang tao na manunungkulan. Alisin sa listahan ang may mga kerida, dahil kung sa asawa nga nila sila ay hindi tapat, paano pa sa bayan? Alisin ang sangkot sa iligal na sugal at baka pera pa nang bayan ang ipangsusugal. Alisin ang naghari-harian, dahil tayo ang dapat na ituring niyang mga hari at sila ang ating mga taga-silbi. At higit sa lahat, piliin ang may takot sa Diyos, dahil lahat nang itong mga maling gawain ay sigurado katatakutan din niyang gawin. Pero mag-ingat sa mapagkunwari… yung mga lumuluhod pa sa simbahan, nangungumunyun at nagsisimba.. hindi lahat sa kanila ay matuwid.. mas marami ang mga huwad! Piliin ang ginagawa sa kanyang pamumuhay ang pagiging tapat, makatao at maka-Diyos.
Harinawa’y tayo ay pagpalain nang maykapal na sa darating pang mga halalan, tayo ay magwawagi na rin. At maramdaman natin na itong mga ating inupo sa pwesto, ay tumayo para tayo ay pagsilbihan.
Hanggang sa muling halalan, at pagsisilbihan ko pa ang kabit ni congresman. Sayang ang ‘Tip” kaibigan….
(first posted on kurokuro.org)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento